Saturday, 21 March 2015

Timbang ng Usok







Sa kabilang-buhay, nagtipun-tipon muli ang mga yumaong pangulo ng Pilipinas. Ito na ang pangatlong pulong nila na kasama si Marcos. Kikilalanin na nila si Corazon Cojuangco-Aquino sa kaniyang pagpasok sa Presidents’ Council—Philippines Faction. Sa isang dulo ng mahaba-habang talahanayan, nakaupo si Quezon sa isang malaking, mukhang-komportableng silya, habang sa kabila’y si Aguinaldo, nakatayo sa likod niya’y si Heneral Luna. Magkakatabi naman sina Quirino, Garcia, at Macapagal na nagtatawanan lagi bago magsimula ang pulong.

“Alam mo, Carlos, hindi ko talaga inakalang tatagal `yung Alto,” sabay halakhak ni Quirino.

“Ganyan na talaga—pero tama ka, nag-iiba na nga talaga ang mga Pilipino ngayon,” batid ni Macapagal. Ipinagpatuloy niyang umaalikik,

“Kanina lang may naraanan ako doon malapit sa bukana, tinatanong niya sa`kin kung bakit raw parang ang tagal mamatay ng anak ko,” sabay tawa ng dalawa.

Medyo malapit sa panig ni Aguinaldo sina Laurel at Osmeña. Si Roxas at Magsaysay naman ay kausap ni Marcos ukol sa kanilang naging mga relasyong pulitikal sa mga Amerikano noon. Umalingawngaw ang katok ng malyete ni Quezon. Bumukas ang pinto ng pulunga’t may pumasok na babaeng nakasalamin na may suot na pulang blazer at pulang palda.

“Mga kapatid, inaanyayahan ko na kayong maupo,” sa salita ni Quezon ay tumugon agad ang buong konseho. Nagpatuloy siya,

“Ang araw na ito ay mahalaga sa kawalanghangganan ng ating munting konseho, matapos ang mahabang panahong pagpupulong, napagdesisyunan na nating kilalanin si Maria Corazon Sumulong Cojuangco sa kapatirang ito. Manny, kung maaaring bigkasin mo ang layunin ng konseho, at ikaw na rin ang magbigay sa kaniya ng kaniyang palayaw panlupon.” naupo si Quezon, sabay tayo si Laurel.

“Sa utos ng Diyos na makapangyariha’t walanghanggan, ang konsehong ito ang mangangasiwa’t mangangalakad sa lahat ng pangangailangan ng lahat ng yumaong mamamayan ng dakilang Inang Pilipinas. Maria Corazon Sumulong Cojuangco, simula ngayo’y kikilalanin ka na bilang Nica Taal.”

At ganoon lamang ang nangyari’t may sumulpot na silya sa tabi ng kay Laurel, o Manny. Sa pagtango ni Quezon ay naupo si Laurel.

“Nica Taal, kung maari’y magbahagi ka ng sentimiento?” hiling ni Quezon.

Of course, President Quezon—
 
“Alfa, Nica Taal, patay na lahat tayo dito,”

“Sorry po, Alfa,” nautal ng kaunti si Cojuangco ngunit napatiwasay niya rin ang kompiyansa niyang magsalita,

“Isang malaking responsibilidad ang mabilang sa inyong mga naging magigiting na pangulong nauna sa akin—“

“Si Manny, magiting?” biro ni Osmeña. Napangiti na lamang si Laurel.

“Magpatuloy,” wika ni Quezon.

“Baguhan man ako, you can trust that I will strive to do a good job,” tumungo si Cojuangco bilang pagtatapos at naupo sa kaniyang silya.

“Maraming salamat, Nica Taal. Dahil sa inyong impluwnesiya sa tao noong dekada otsenta, maaako sa`yo ang tungkuling pamahalaan ang mga nakarehistro sa time frame ng dekada sesenta hanggang dekada nobenta,” tumango si Cojuangco bilang pagtanggap sa responsibilidad.

“Nica Taal, may tanong lang ako,”

“Ano ho iyon, Pangu—“

“Verde,” wika ni Roxas, 

“Mahilig ka ba talaga sa tocino?” maski si Quezon ay natawa.

All I can say is that… wala akong pinagsisisihan,” lumakas ang tawanan.

“Alfa, tingin ko’y `di magandang ideya ang iako kay Nica Taal ang pamamahala sa dekada sitenta. Naroon ang mga ipinapatay ni Jose Cojuangco, sa katunaya’y tingin ko’y mas mabuti kung sa mga Yumaong Indio na lamang siya mamahala,” wika ni Marcos.

“At ano naman ang mas ikabubuti ng buong Yumao kung ganoon ang mangyayari, Rodante?” tanong ni Quezon.

“Ang mga Indio ang pinakamarami at pinakamatatag pagdating sa ideyal. Ni di sila maimpluwensayahan ng mga radikal sa dekada nobenta. Nawari ko lang na perpektong pinuno si Nica Taal para sa mga tulad nila. Wala naman naging malupit na babaeng governor-general, meron ba?” sinabi ni Marcos na may bahid ng pamimilit.

“Tama siya, Alfa, pag nagkagulo pa ang mga yumao sa Late 19th Century, mapagsasabihan pa tayo ng Amo.” batid ni Quirino.

Hear. Hear.” bulong ni Garcia.

Very well,” tumuon ang mga mata ni Quezon sa kinakabahang si Cojuangco. Nagpatuloy siya,

“Ang sang-ayon sa panukala ni Rodante, magtaas ng kanang kamay,” nagtaas ang lahat maliban kay Cojuangco.

“Nica Taal, ganap na. Mamamahala ka sa Yumaong Indio. Siguraduhin mong hindi sila magkakagulo at na lagi silang areglado.”

“Mabuti na `yan, Nica Taal. Para mapagtanto-tanto mo rin ang mga pagkakamali mo,” wika ni Macapagal.

“Gusto ko lang naman na hindi maranasan ng pamilya—“

“Nica Taal, mahiya ka!” sigaw ni Magsaysay. Tumindig si Marcos at nagsalita; nanonood si Quezon na may ngiti sa mukha, 

“Sinungaling ka, Cory! Inutos lang ng Amo na maparito ka! Alam mo bang wala ka dapat dito! Ang kapal pa ng mukha mong makipagbiruan dito! Napakakarumaldumal ng ginawa mo—pinapatay mo ang asawa mo! Para saan? Sasabihin mo ngayon na para sa seguridad ng pamilya mo? Kalokohan!”

Reliquere, frater” pumasok si Rizal, na may suot na itim na amerikana, tulad ng karaniwang makikita sa kaniyang mga larawan. 

“Papaano mo nagagawang magkaroon ng poot kung wala ka na naman ring magagawa?” tanong niya.

“Rizal, ang gusto ko lang naman malaman ay kung bakit pa siya kailangan dito sa konseho. `Di ba alam ng Diyos ang pagkakaiba ng taong tanga sa taong may dunong?” daing ni Marcos.

“Alam ng Amo kung sino sa silid na ito ang may laman ang utak. Alam rin ng Amo kung sino ang may dunong sa kung paano iniluluwas ang lamang ito. Kaya, Ferdinand, iyan ay pagnilay-nilayin mo nang maigi. Alam mong ika’y ipinangalan sa isang tanyag na mananakop. Ginampanan mo ang kasaysayan ng pangalan mo, Ferdinand—sa katunayan nga’y nakapatay ka rin ng tao,” naupo’t natahimik si Marcos.

“Nica Taal, tanggalin mo ang hubris sa iyong pagkatao. Wala na iyang kwenta ngayong patay ka na. Ang gagawin mo na lang dito ay mangasiwa’t siguraduhing areglado ang isang lipon ng isang lipon ng isang lipon. Minahal ko ang lipon na aarugain mo, Nica Taal; nawa’y mahalin mo rin silang may pagmamahal na higit pa ng sa`kin.” payo ni Rizal.

“Pinapunta ka nanaman?” tanong ni Quezon kay Rizal na tumango. Nagbuntong-hininga si Quezon at tumayo. Iyon ang tanda na tapos na ang pulong. Natayo si Cojuangco at lumapit kay Rizal,

“Salamat ho sa inyong pag-uunawa,”
 
“Walang anuman,” nginitian niya ito, at may binulong nang lumayo ang babaeng pangulo,

Dare pondus idonea fumo